Lunes, Setyembre 10, 2007

ANG AMING KUSINERA


Bata pa ako ay kusinera na namin ang nanay ko. Ang tatay lang namin ang nagtatrabaho noon, at s'ya sa bahay lang. Kaya naman, lumaki kaming magkakapatid na laging busog dahil sa mga masasarap na ulam na hinahain sa amin ng Nanay ko.
Kapag almusal, minsan longganisa at scrambled egg na may kamatis at sibuyas. Minsan naman, mainit na tsamporado na maraming gatas, saka tuyo. Lalong masarap kainin 'to kapag bumabagyo at nai-announce na sa radyo na walang pasok. Kanya-kanyang sandok na ng tsamporado! Minsan naman, ang almusal namin ay sinangag at hotdog na iginisa sa bawang at sibuyas, tapos may sarsang pinaghalong catsup at toyo. Kakaiba di ba? Lutong boyscout daw 'yun, sabi ng Nanay ko. 'Yun daw ang niluluto noon ng tatay ko nung boy scout pa s'ya.
Kung binubusog ni Nanay ang almusal namin ng mga luto n'ya, binusog n'ya rin ang kabataan namin ng kalinga ng isang mabuting ina. Apat kaming magkakapatid, at lahat kami, naranasang maihatid ng aming Nanay sa unang mga taon ng aming pagpasok sa eskwelahan. Ang paborito n'yang i-k'wento ay ang mga unang araw ng ate ko sa kindergarten. Ayaw daw magpaiwan! Lagi s'yang tinitingnan kung nasa labas pa s'ya ng classroom. Kahit daw nakapikit na nagdadasal, paminsan-minsan dumidilat at sulmusulyap sa kinalalagyan ni Nanay. Tapos, kapag makikitang wala s'ya, iiyak at hahanapin s'ya. Tipikal na reaks'yon ng isang bata di ba? Pero sa mata ng isang batang katulad ng ate ko noon, ang mawala sa paningin ang nanay na naghahatid sa kanya sa eskwelahan ay isang bagay na maihahalintulad na sa pagkagunaw ng mundo. Exaggerated? Sa tingin ko, hindi.
Basta ako, hanggang ngayon naaalala ko pa rin yung mga panahon na hinahatid at binabantayan ako ni Nanay sa eskwelahan. Nursery ako noon, at naalala ko na kapag uwian na, lagi n'ya akong pinapakain ng palabok sa isang kainan malapit sa plaza. Tapos, dadaan kami sa tindahan ni Parabot, at ibibili n'ya ako ng librong pambata, tulad ng Ang Batang Tinapay, Ang Duwende at ang Sapatero, at kung anu-ano pa.
Binusog ng nanay ko ang aming almusal at ang aming kabataan.
Bata pa ako ay kusinera na namin ang nanay ko. Kapag tanghalian naman, lalo na kapag weekends, mas madalas kaysa hindi na may sabaw ang ulam namin kapag sabado't linggo. Sinampalukan o sinigang...nilaga...sopas...tinola...'Yan, 'yan ding mga putaheng 'yan ang madalas naming ipaluto sa kanya kapag Antioch weekend, 'yung taunang retreat namin sa Antioch del Pilar, ang grupo ng mga kabataan na tinagurian ang Nanay ko na reyna ng Team B. Ang Team B ang nag-aasikaso ng kakainin sa Weekend, at mahabang panahon din na ang Nanay ko ang isa sa mga kusinera doon. Mga gamit din ni Nanay sa kusina ang gamit namin noon sa pagluluto ng ihahain sa Weekend. Kalan..talyase...sandok, lahat 'yan mula sa kusina ni Nanay. Matagal-tagal din naging kusinera ng Team B ang Nanay ko, at sigurado ako, hanggang ngayon, di nakakalimutan ng mga Antiochers ang mga k'wentong kusina at ang famous giniling ni Kakang Bining, ang dating kusinera at reyna ng Team B.
Binusog ng nanay ko ang aming tanghalian at ang aking mga kaibigan.
Hanggang ngayon, patuloy pa rin si Nanay sa pangungusina. Alas-tres pa lang ng umaga, gising na 'yan para maghanda ng almusal, hindi na para sa amin kundi para na sa mga apo n'ya. At pagpatak ng alas-diyes, taga-hatid ulit sa school ang papel n'ya. Kung ang Tatay ko ang taga-hatid ni Via, ang Nanay ko naman ang taga-hatid at taga-bantay ni Von. S'ya rin ang taga-hatid ni Ron dati, ang unang apo nila ng Tatay ko. Hanggang ngayong nasa takipsilim na s'ya ng kanyang buhay, di pa rin s'ya nagpapapigil na busugin ng mga luto n'ya at ng pagmamahal n'ya ang kanyang mga apo.
Nagdaan na ang ilanpung taon, hapunan na at wala pa rin kakupas-kupas si Nanay sa pangungusina, at sa pagiging dakilang ilaw ng tahanan.
Sayang nga lang at di ko na araw-araw natitikman ang luto ni Nanay. Di na kasi ako araw-araw umuuwi ngayon sa bahay. Nakabukod na ako ng tirahan dahil sa tawag ng busy schedule sa trabaho at sa pag-aaral. Pero alam n'yo ba, t'wing umuuwi ako sa bahay minsan isang linggo, lagi akong pinapabaunan ng Nanay ko ng kung anuman ang nakahain sa mesa ng araw na 'yun. Nu'ng unang gabi na umalis ako sa amin, pinaputok na tilapya at atsarang labanos ang pinabaon sa akin. Nu'ng minsan naman, spaghetti at dalawang pirasong ponkan, at pagbukas ko ng bag ko, may isang supot ng cornik na isiniksik sa pagitan ng mga damit. Di ko alam kung ano pa ang mga susunod n'yang pabaon, pero ang alam ko marami pa. Kasing-rami ng mga bilin at recipe na itinuro n'ya sa mga ate ko noong napagpasyahan nilang manirahan na sa Amerika. Naaalala ko pa noon, tumawag pa ang ate ko ng overseas para lang itanong kay Nanay ang recipe ng menudo, o leche flan ba yun? Basta, nagtanong sya ng recipe. Libo-libong cookbook man ang nabibili sa bookstore at nakukuha sa internet, mas gusto pa rin namin ang recipe ng Nanay namin. S'yempre naman, may secret ingredient 'yung mga luto n'ya. Sa kanya n'yo na lang itanong kapag nakita n'yo s'ya.
Magaling na kusinera ang Nanay ko. Di lang sa kusina, kundi sa buhay mismo. Di man kami laging nagkakasundo dahil magkaiba ang approach namin sa pagluluto at diskarte sa buhay, madalas mang mas maanghang pa sa mga luto n'ya ang mga salitang namamagitan sa amin, alam kong sa bandang huli, luto n'ya pa rin ang tutularan ko.
Binusog ng Nanay ko ang almusal, tanghalian, at hapunan ng aming pamilya at alam ko patuloy n'ya pa rin kaming bubusugin ng kanyang mga luto bilang isang kusinera at mga pangaral bilang isang ina.
May midnight snack pa.

4 nangalabasa:

Mel Avila Alarilla ayon kay ...

Musta Bb. Kalabasa,
Maganda yung post mo. Nakakaaliw pero napakahaba. Ang sikreto ng successful blogging ay maiksi, makahulugan at direct to the point na artikulo. Sa milyun milyung ipinopost sa iba't ibang blog sites, ay walang masyadong panahon ang bloggers na magbasa ng mahabang post lalo na't napakarami niyang ka blog na dapat pasyalan at makomentohan. Huwag sasama ang loob mo kaibigan. Tinapos ko ang blog mo dahil bilib ako sa inyo ni miss kurdapya at ano pa man ang ipost nyo, mahaba man o maiksi ay palagi kong babasahin. Subalit paano ang ibang readers, may panahon at tiyaga rin kaya sila? Food for thought lang kaibigan. Wag ka sanang ma pressure sa komento ko. Nag enjoy ako sa blog mo pero na strain din yung mata ko sa haba at sa liit ng mga letra. Anyway, ipost mo ang gusto mong ipost. Huwag mong pansinin ang comment ko dahil may kalayaan kang ipost ang ano mang gusto mo. Suggestion lang yung sa akin. Bye now at keep on blogging. God bless you and your whole family lalo na yung nanay mo. Sabihin mo lang kung birthday mo para makikain ako sa inyo. He, he, joke lang.

xxiv. ayon kay ...

bb. kalabasa, sana matuto kang bigyan ng credit ang totoong sumulat ng artikulong ito. hindi ikaw ang sumulat nito, kinuha mo lang ito sa isang blogsite na hindi sa iyo. pinalitan mo nga lang ang orihinal na litrato ng isang litrato, na ina-assume ko ay nanay mo.

anyway, sana makapagsulat ka ng mga totoong bagay tungkol sa iyong sariling mga karanasan, at hindi mawili sa pagkopya lang sa sinulat ng iba. konting respeto naman sana.

xxiv. ayon kay ...
Naalis ng may-ari ang komentong ito.
Kristine senteciera mendeja ayon kay ...

Bb.kalabasa
Naantig ako sa iyong blog....namiss ko tuloy ang nanay ko ganyan din kasi ang nanay ko magaling at masarap mgluto

 
blog template by suckmylolly.com : header hand photo by Aaron Murphy